Sunday, March 10, 2019

"MAHIRAP NGUNIT KAKAYANIN"






    Ang buhay bilang mag-aaral ng Senior High School ay isa na yata sa mga masasayang karanasan subalit mapanghamon na parte at yugto ng aking buhay. Isang mahahalagang bagay na kailangan mong paghirapan at pagsikapan. Isang bagay na gigising sayo sa reyalidad na buhay. Ang buhay ng isang mag-aaral ng Senior High School ay para ding kolehiyo. Isang karanasan na kailangan mong paglaanan ng pansin at panahon sa dinami-daming gagawin, sa maraming araw na ginawa ng Diyos ay palagi kong iniisip kung paano ko haharapin ang mga pamantayan sa pagpasa ng mga projects, paggawa ng assignment, sunod -sunod na quizzes, performances, recitation, reports at sa darating pang examination na hindi lang isa ang kailangan mong rebyuhin kundi lahat at sabay sabay mong pag-aaralan halos sa limang oras na lang ang aking pahinga, nakakapagod,nakakabaliw at halu-halo ang apat na emosyon; saya sa tuwing ako'y nakakasagot at pumapasa, lungkot sa tuwing ako'y bumabagsak sa isang asignatura, galit sa tuwing nag-aaway ang grupo sa presentasyong rush na at takot na baka ang lahat ng ito'y hindi ko makaya.

    Hindi naging  madali sa akin ang buhay Senior High araw-araw ang puyat at pagod ang iyong mararanasan, kailangan mo pang pagsasabayin ang obligasyon mo sa pag -aaral bilang estudyante at responsibilidad mo sa loob ng bahay bilang Kuya. Kalakip pa nito ang taong hindi naniniwala at walang tiwala sa kakayahan mo,  mga salitang palagi kong naririnig sa kanila "hindi makakatapos yan dahil mahirap at walang pera",  "puro ka aral wala ka nang nagagawa dito sa bahay", at minsan napaghihinaan ka na ng loob at parang unti-unti kang lumiliit at dinudurog sa masasakit na salitang nanggagaling sa kanila "kung alam niyo lang kung paano mag-aral " "makakapagtapos din ako ",  yan ang mga salitang palaging umiikot at tinatatak ko sa aking isipan. Kalakip pa nito ang hirap lalo na kung malayo pa ang inyong bahay papuntang eskwelahan na kailangan mo talagang gumising ng maaga para hindi ka mahuli sa inyong klase. Sa araw-araw na pamasahe, pambili ng kanin at ulam, baon na ipangkakasya at babadiyetin lahat ng mga yan ay kailangan mong gastusan at poproblemahin. Mga magulang na nagpupursigi upang makatapos ka lang, trabaho ng magulang mo na sapat lang kita upang makapag-aral at makapagtapos kayong magkakapatid na lima. Susuko na ba ako o patuloy pa ba akong lalaban? Ang hirap! minsan napapaisip ako bakit ako susuko kung ang mga magulang ko ay hindi magawang sukuan ako|kami at iparanas ang magandang nasimulan nila para sa amin na ang kaakibat nun ang paghihirap nilang magtrabaho para makapag-aral lang kami. Nasisilip at nakikita ko sa kanilang mga mata ang sakripisyo kung paano sila nagsusumikap at nagsisikap, magbanat ng buto at nabubuong pawis na lumalabas sa kanila dulot ng pagpupursigi nila para makapagtapos lang kami.

   HINDI MADALING MAGING SENIOR HIGH SCHOOL STUDENT mga katagang palaging umiikot at paulit-ulit sa'king isipan. Dito mo mararanasan ang hirap, puyat, at pagsubok na unti-unti kang dinadapa at hinahamon, nadiyan yung muntik ka nang sumuko eh dahil sa dami ng gagawin, gagastusin at tatapusin. Minsan nga pinaghihinalaan ka na ng mga magulang mo dahil sa dami ng bayarin sa paaralan, naawa na ako sa mga magulang ko lalo na kung sabay-sabay pa ang babayaran ninyong magkakapatid sa eskwelahan. Susuko na ba ako dahil ako'y nahihirapan at napapagod na? HINDI! dahil alam kong matatapos din 'tong paghihirap ko, paghihirap na alam kong mayroong magbubunga ng sagana, patuloy at unti-unting magdadala sa akin sa masaya at marangyang buhay. Dahil dito, mas lalo ko pang tinatagan at tumibay ang sarili at loob ko, nanatiling lumalaban at patuloy na lalaban sa bawat hamon na kakaharapin upang magresulta at magbunga ng ikakaganda ng kinabukasan ko. Paghihirap at pagkakadapa at pagsubok na naging dahilan para ako'y muling lumaban, at bumangon, unti-unting dumadala sa akin patungo sa gusto kong mangyari sa akin pagdating ng panahon. Ang pagsuko ay hindi naging rason upang hindi matupad ang mga pangarap mo, pagsukong ito ay hindi ko kailanma'y ginawa dahil ang salitang pagsuko  para sa akin ay isa lamang kathang isip, kathang isip na nararanasan lamang sa panandaliang paghihirap. Dahil kung susuko ako alam kong wala akong patutunguhan sa buhay. Balang araw makakahanap ako ng maganda at permanenteng trabaho nang sa gayo'y masuklian ko ang sakripisyo, pagod at paghihirap na dinanas ng mga magulang ko sa pagkayod nila araw-araw sa pag-abot ng mga pangarap namin, ang salitang "Ma, baon ko ay mapapalitan ng Ma sahod ko po"

   Palaging nabubuo sa'king isipan ang tatlong katagang "HINDI AKO SUSUKO" kakayanin ko lahat para sa pamilya at Poong Maykapal na kahit ako'y nahihirapan na ay nandiyan sila upang alalayan ako. Mahirap, napakahirap talaga sapagka't hindi madaling maging isa, isang mag-aaral na puno ng pangarap sa buhay pero ang lahat ng hirap ay kinakaya para makamit ang isa, isang medalya, para makuha ang isa, isang gantimpala at para matupad ang isa, ISANG PANGARAP.
Napakasayang mag-aral subalit kailangan mo munang paghirapan ang mga bagay na nais mong mangyari sa buhay at bago mo marating at makamit ang rurok ng tagumpay ng iyong buhay. Mahirap ngunit KAKAYANIN, LABAN LANG! 😊😇

1 comment: